Binatikos ni Deputy Speaker at Ilocos Sur Rep Eric Singson ang naging aksiyon ni Health Secretary Esperanza Cabral na magpatupad ng Administrative Order No. 2010-0012 na siyang nagmamando sa mga local na gumagawa, mga importer at exporter na ilimbag sa bawat pakete ng segarilyo ang warning na nagpapakita ng larawan sa maging masamang epekto nito.
Sinabi ni Singson na ang kautusang ito ay labag sa probisyon ng kasalukuyang batas na ipinasa ng Kongreso at sabay na kanyang pinayuhan si Cabral na ang bansa ay mayroon na umanong isang batas na nagmamandong isulat ang textual na health warning sa cigarette packaging.
Ayon kay Singson, ang RA09211 ay malinaw na nagsasabing ang mga textual warning lamang ang ilalagay sa bawat pakete ng segarilyo at walang probisyon dito na nagmamandong ilagay ang larawan ng mga epekto ng paninigarilyo.
Matatandaang ang kasalukuyang Kongreso ay nagpasa ng RA09211 noong taong 2003 habang ang Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) ay nirapikahan naman ng Senado ng Pilipinaas noong 2005.
Tanging ang Kongreso lamang umano ang may kapangyarihang magpasa ng batas na magbibigay ng laman at sustansiya sa anumang international treaty at hindi sapat ang isang administrative order lamang para ito maipatupad.