Ipinagmamalaki ng admindistrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang pangunahing tagumpay sa Central Luzon ang pagyabong at pag-unlad ng Subic Special Economic and Freeport Zone (SSEFPZ) at Clark Freeport and Special Economic Zones (CFSEZ).
Sinabi ni Quezon Rep Danilo Suarez, chairman ng House Committee on Oversight, na nagawa ng dalawang freeport zones na makaengganyo ng mga dayuhang mangangalakal at makagawa ng libo-libong trabaho para sa mamamayang Filipino mula nang gawing investments destination ang dalawang dating base militar.
Nabigyan ng pansin ang dalawang Freeport zones na ito nang magpalabas ng kautusan ang pangulo, ang EO 504 na nagtatatag ng Subic-Clark Alliance Development Council (SCADC), isang coordinative body na siyang mamamahala sa pagpapaunlad ng Subic at Clark.
Nakatutok ang nabanggit na council sa pagtatatag ng iisa at patuloy na economic growth corridor na siyang magbibigay daan upang magkaroon ng isang world-class logistics infrastructure at serbisyo tulad ng multi-modal transport hub, isang kaaya-kaayang lugar para sa mga nagnanais na maglagay ng negosyo sa bansa.
Sa ilalim ng plano, ang Subic at Clark ay may layunin paunlarin ang lugar bilang isang world-class mega logistics hub na magbibigay ng mga sumusunod; seamless delivery of goods, services, people at impormasyon mula at patungo sa produksiyon, pagmamanupaktura hanggang sa mga kalakalan o trading centers sa buong bansa.
Layunin ng SCADC na di lamang maging gateway for locators sa loob ng Subic at Clark, ngunit gawin ding main gateway ng Pilipinas ang Subic at Clark maging sa buong mundo.
Naging matagumpay naman ang Subic at Clark at nagawa nitong abutin ang nilalayon nito, katibayan na ang p[agiging matagumpay ng Clark na nagkaroon ng aktwal na investments na nagkakahalaga ng P79.8 bilyon mula sa dati nitong P31.78 bilyon noong 2004. Nitong nakaraang 2008, nagkaroon ng kabuuang exports na nagkakahalaga ng US$950 milyon, ito ay 7.51% na mas mataas kumpara noong 2007.
Base sa pinakahuling tala, noong unang quarter ng 2008 ay mayroon pa umanong inaasahang 48 na bagong kontrata na ang investment commitment ay nagkakahalaga ng P1.43 bilyon.