Saturday, April 17, 2010

Programang pabahay para sa mga guro isinulong sa Kamara

Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang isang panukalang naglalayong itatag ang permanenteng programang pabahay para sa lahat ng mga guro sa buong bansa.

Sinabi ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez, ang mga guro sa mga pampublikong paaralan ay maituturing na mga unsung heroes ng bayan at napapanahon na upang sila ay mabigyan ng pagkilala at pabuya.

Ayon sa kanya, nagtatrabaho umano ang mga guro ng lampas-lampas sa oras ngunit di naman sila nababayaran ng tama at hindi natatapos ang kanilang trabaho sa pagtuturo lamang ng walong oras kada araw kundi ay hangang sa bahay ay nagtatrabaho pa rin sila dahil ginagawa nila ang kanilang lesson plan para sa susunod na araw at nagrerebisa at nagti-check pa ng mga examination.

Ang programang pabahay ay nararapat lamang umano, ayon pa kay Rodriguez, na abot-kaya para sa mga guro na may fixed low interest rate at may mas mahaba at kayang-kayang sistema ng pagbabayad.

Nakasaad na sa panukala ang pagpapatupad ng fixed interest rate na limang porsiyento kada taon at ang equity ay dapat na nasa 5% din lamng ng kabuuang halaga ng bibilhing lupa at bahay.

Sa panig naman ng mga guro, magiging basehan upang makasali sa programang pabahay ang length of service sa pagtuturo ng hindi bababa sa limang taon, dapat may permanenteng posisyon, at wala pang pag-aaring bahay o hindi pa nakakapag-avail ng anumang housing program, na nakalagay sa kanilang pangalan at hindi lalampas sa 65 taong gulang.

Mahigpit namang ipagbabawal ang paglilipat o conveyance of the property sa ibang tao maliban na lamang kung ang paglilipatan nito ay kamag-anak na hanggang sa second degree of consanguinity o sa isa pang qualified na guro.