Monday, April 19, 2010

Pinasimple na ang proseso sa land application

Mabilis na ngayon ang pagkakaroon ng sariling lupa kapag tuluya nang maisabatas ang panukalang naglalayong gawing simple ang proseso ng land applications.

Sinabi ni Camiguin Rep Pedro Romualdo, may akda ng HB07101, na dapat nang amiyendahan na ang Public Land Act, o ang Commonwealth Act 141, upang ito ay makaagapay sa kasalukuyang panahon.

Ayon kay Romualdo, sa kasalukuyang batas, lahat ng mga land application ay kinakailangang maipalathala kada linggo sa loob ng anim na sunud-sunod na linggo, sa dalawang pahayagan, isa sa Metro Manila at isa sa lugar kung saan matatagpuan ang lupaing ninanais na makamit.

Ang probisyong ito, ayon sa kanya, ay nagdadagdag lamang sa pasanin ng nagnanais na magkalupa at nagagamit din ang probisyong ito sa red tape sa pamahalaan.

Ayon pa kay Romualdo, babawasan ang bilang ng araw na dapat na mailathala ang land application mula sa dating anim na lingo at gagawin na lamang itong dalawang linggo.

Babawasan din ang panahon ng paghihintay kung kailan maia-award sa winning bidder ang lupa mula sa dating 60 na araw, gagwin na lamng itong 30 araw.

Ani Romualdo ang panukalang ito ay siyang magpapadali at magpapasimple sa proseso ng pag aapruba ng lahat ng mga land application sa bansa.