Sunday, April 11, 2010

Pampublikong mga ospital, bawal isapribado

Tuluyan nang ipagbabawal ang pagsasapribado ng mga pampublikong ospital, ito ay makaraang ipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ang panukalang nagbabawal sa pagsasapribado ng mga ospital na pinopondohan ng pamahalaan.

Sinabi ni South Cotabato Rep Arthur Pingoy, Jr na sa pagsasabatas ng House Bill 3777, tuluyan nang pagbabawalan ang kalihim ng Department of Health (DoH) makipag-usap, makipagkasundo, magbenta at ialok na ibenta at gawing pribado ang alinmang ospital ng bansa na pinupondohan ng pamahalaan.

Ayon kay Pingoy, ilan sa mga hindi maaaring galawin upang maging pribadong ospital ay ang sumusunod; mga ospital na pinupondohan o ginagastusan ng pamalahaan, maging ito man ay maintained partially o wholly ng national, provincial, municipal, o ng city government o iba pang political subdivision, o ng alinmang departamento, dibisyon, board o iba pang ahensiya.

Sinabi naman ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez, may akda ng panukala, layunin sana ng pagsasapribado ng mga pampublikong ospital na mareporma at maresolba ang problema sa gastusin ng
pagmimintena at pagpapatakbo ng mga pampublikong ospital.

Ngunit nakita rin ni Rodriguez na malaki ang posibilidad na ang pagsasapribado ng mga pampublikong ospital ay sasabay din sa paglaki ng medical cost na posibleng hindi na makayanan ng mga simple at mahihirap na mamamayan kung sila ay pupunta at kunin ang serbisyo ng mga ospital na isasapribado.

Idinagdag pa ni Rodriguez na isang malaking disadvantage para sa mamamayan kung isasapribado ang mga ospital ng gobyerno dahil sa oras na pasukin na ito ng mga pribadong tao at kumpanya ay sila na ang maaaring magdikta ng mga dapat bayaran ng mga pasyenteng kukuha ng serbisyo nito at magiging isa itong malaking dagdag pasanin para sa mamamayang mahihirap.