Magkaroon na ng mga gamit na state-of-the-art ang Philippine Atmospheric, Geographical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa sandaling maisabatas ang panukalang may layuning mabantayan at mapag-aralan ang bagyo, tropical depression, tsunami at hurricane bago pa man ito makapasok sa bansa.
Bago magtapos ang ika-14 na Kongreso, isinumite ni Camarines Sur Rep Diosdado Arroyo ang HB07069 na magbibigay pahintulot sa PAGASA na i-upgrade ang kanilang mga gamit, instrument at pasilidad upang mapabuti ang kanilang gawaing pagbibigay babala at forcasting hinggil sa mga kalamidad na papasok sa bansa.
Sinabi ni Arroyo na dapat mapaunlad ang kakayahan ng PAGASA sa gawain nitong magbigay ng serbisyo at maprotektahan ang mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas komprehensibong kaalaman hinggil sa mga dumarating na kalamidad sa bansa ng sa gayon ay maging handa ang bawat isa sa anumang dalang perwisyo ng bagyo at iba pa.
Aatasan ang PAGASA sa panukala na magsagawa ng upgrading ng kanilang physical resources at operational techniques sa pamamagitan ng pagbili ng mga makabagong instrument, kagamitan at pasilidad upang makasabay at makaagapay ito sa kasalukuyang panahon at makapagbigay ng mga importante, napapanahon at mapagkakatiwalang babala, forecasting, at serbisyo lalo na sa sector ng mga magsasaka o agrikultura, transportasyon at mga industriya ng bansa na kadalasang naaapektuhan kapag may dumarating na kalamidad.
Layunin din ng panukala na mapataas ang kakayahan ng ahensiyang ito sa pag-aaral, pagpapaunlad at madagdagan ang mga taong maaaring makatulong upang lalong mapabuti ang serbiosyong ibinibigay ng PAGASA.