Nagpahayag ng pagkabahala si House Speaker Prospero Nograles dahil umano sa kapabayaan ng Commission on Elections sa tungkulin nito na magpatupad ng isang malinis at mapayapang eleksiyon, dahil sa umano’y pagkabigo ng ahensiya na ipatupad ang total gun ban.
Sinabi ni Nograles na mismong sa Davao City, may mga opisyal ng barangay at maging mga motorcycle-riding goons na walang takot na kumakalat sa lugar at ni hindi itinatago ang kanilang mga baril sa publiko, samantalang ang mga miyembro naman ng New People's Army (NPA) ay malayang pakalat-kalat sa mga barangay sa kanilang lugar at nananakot sa mamamayan at mga boluntaryong nangangampanaya para sa mga lokal na kandidato sa lungsod na tumatangging magbigay ng protection money sa kanila.
Ayon kay Nograles, ang mga pulis at mga otoridad na binigyan ng karapatan ng Comelec na magpatupad ng total gun ban ay nagbubulag-bulagan sa mga kaganapang ito.
Idinagdag pa ni Nograles na dahil sa patuloy na pagtanggi ng Comelec na ilagay ang Davao City sa ilalim ng full Comelec control, mayroon nang dalawang katao ang nagbuwis ng buhay, ito ay ang mga campaign volunteers ng Bantay Party-list group na pinamumunuan ni retired Major General Jovito Palparan, na kilalang anti-communist advocate at kritiko ni Mayor Rodrigo Duterte.
Ang katawan ni Juliana Noquera, 51, ng Barangay Dominga, Calinan, ay natagpuan sa dalampasigan ng Island Garden City sa Samal, Davao del Norte noong Sabado, samantalang ang labi naman ni Ronald Miranda, 49, ng Landmark Village sa Buhangin District, ay natagpuan naman sa Sta. Maria, Davao del Sur, sa magkaparehong araw.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga labi ng dalawang biktima ay naaagnas na nang makita at may mga saksak sa katawan. Ayon pa sa pulisya, ang mga biktima ay huling nakita noong Marso 14 habang nangangampanaya para sa Bantay Party-list. Dinampot umano ang dalawa sa isang national highway dito at nang matagpuan ay bangkay na.
Itinanong tuloy ng Speaker kung ilan pang buhay ang dapat magbuwis bago kumilos ang Comelec at kung hanggang kailan pa magbibingi-bingihan ang Comelec sa kanilang panawagan?
Ayon pa kay Nograles, maliban pa sa kapalpakan sa pagpapatupad ng total gun ban, hanggnag sa kasalukuyan ay hindi pa rin umano kumikilos ang Comelec upang linisin ang voter’s list kung saan mayroon double registrants at maging ang mga patay na ay nasa talaan pa rin.
Natuklasan umano ito ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) kung saan mayroong humigit-kumulang sa 40,000 multiple and double at dead registrants sa Davao City at Davao del Sur, ilan sa mga nasa talaan ay kapatid at anak umano ni Mayor Duterte. Ang hinala ng PPCRV ay mayroong 3 hanggang 5 milyong multiple o double at dead dead registrants sa buong bansa.
Ayon kay Nograles, sapat na ang bilang na ito upang madetermina kung ano ang magiging resulta ng eleksiyon sa darating na May 10 elections.