Wednesday, April 14, 2010

Ituturing na resigned na ang opisyal na nahaharap sa recall proceedings

Itatadhang resigned na ang mga lokal na opisyal na mahaharap sa recall proceedings, ito ang layunin ng HB04801 na naipasa na ng Kongreso sa ikatlong pagbasa at nag-aantabay na lamang sa aksiyon ng Senado.

Sinabi ni Party-list Rep Narciso Santiago, may-akda ng nabanggit na panukala, na para maiwasan na ang malaking gastusin na gagamitin sa mga recall proceedings, dapat nang ituring na resigned sa kanilang puwesto ang sinumang elective official na mahaharap dito.

Sa kasalukuyang batas, ang isang nakapwestong halal na opisyal na nahaharap sa recall ay hindi maaaring magbitiw sa kanyang posisyon hanggang hindi natatapos at napagdedesisyunan ang recall proceedings.

Ayon kay Santiago, dapat hayaan na lamang na magbitiw ang naturang opisyal upang makatipid na ang pamahalaan sa kakarampot na pondo nito na galing sa buwis ng mga mamamayan.

Ang gastusin sa mga recall proceedings o recall elections ay nakaatang sa Commission on Elections, sanhi upang madagdagan pa ang dinadalang gastusin ng pamahalaan.

Ang recall ay isang mekanismo na nakasaad sa Saligang Batas upang makagawa ng isang mapagkakatiwalaan, responsive and accountable na lokal na pahalaan at isa itong proseso ng pagtatanggal ng sinumang halal na opisyal.

Aamiyendahan ng panukala ang Section 73 ng Republic Act No. 7160, ang Local Government Code of 1991, hinggil sa prohibition against resignation of officials being recalled.