Tuesday, April 06, 2010

COMELEC,handa na sa may 2010 elections

Pinapurihan ng House committee on oversight, sa pangunguna ni Quezon Rep Danilo Suarez, ang naging kahandaan ng Commission on Elections na patunayan sa buong bansa na harapin ang responsibilidad bilang electoral body sa darating na halalan sa Mayo 10, 2010.

Sa isang panayam, nagpahayag ng kompiyansa si Suarez na magiging matagumpay ang eleksyon bagama't ito umano ay ang kauna-unahang pagtikim ng Filipino sa automated election.

Sinabi ng mambabatas na magkakaroon na ng katuparan ang mithiin ng administrasyon na makamit ang tunay na malinis, matapat, matahimik, maayos at mabilis na eleksyon na siyang kaakibat sa nabanggit na uri ng pagpapatupad ng halalan.

Ayon pa sa kanya, ang naging ugat sa problema noong nakaraang halalan ay ang kawalan ng tiwala ng mamamayan sa proseso ng eleksyon dahil sa malawakan at talamak na dayaan na naging sanhi sa kinalabasan ng halalan.

Bumagsak ang grado ng Comelec at nawalan ng tiwala ang taumbayan sa nangyari kay dating Comelec chairman Benjamin Abalos nang ito ay sumabit sa iskandalo ng NBN-ZTE broadband deal.

Ani Suarez, dapat umanong pasalamatan ng mamamayan ang Comelec, lalo na ang kasalukuyang liderato, sa muling pag-bangon muli ng tiwala ng taumbayan sa proseso.