Sunday, April 11, 2010

Antigo nang Immigration Act, aamiyendahan na

Nakaantabay na lamang ng ratipikasyon ang bagong Immigration Act of 2010 ng Kongreso at Senado at ito ay inaasahang magdadala ng mas makahulugang batas na mas makakasagot at makakaagapay sa kasalukuyang pangangailangan ng mamamayan.

Ang pangunahin at mahalagang probisyon ng bagong immigration act ay ang pagtatatag ng Commission on Immigration and Naturalization na siyang mangangasiwa at magpapatupad ng lahat ng batas hinggil sa immigration at ang pagtatala ng lahat ng dayuhang pumapasok sa bansa at mga batas hinggil sa citizenship at naturalization.

Sinabi ni Camiguin Rep Pedro Romualdo, isa sa mga pangunahing nagsulong ng panukalang ito, napapanahon na umano upang baguhin at isabay sa kasalukuyang panahon ang Commonwealth Act No. 613 o mas kilala sa Philippine Immigration Act of 1940 na ipinatutupad pa sa ngayon na binuo pa noong panahon ng Commonwealth.

Ayon Kay Romualdo, mayroon nang halos 70 taong ipinatutupad ang batas na ito at bagamat dumaan na rin ito sa kung ilang beses na rebisyon, marapat lamang umano na magkakaroon na ng makabagong immigration and naturalization law na may kaakibat na tama at angkop na batas upang maipatupad ang mga tungkulin at gawain nito.

Ang komisyon, ayon pa sa kanya, ay magkakaroon ng pitong departamento na aatasang epektibo at episyenteng magpatupad, magsagawa at maglingkod sa mamamayan upang maiwasan na rin ang burukrasiya at red tape.

Idinagdag naman ni Cavite Rep Jesus Crispin Remulla, isa rin sa mga nagsulong ng batas na ito, na layunin umano ng bagong immigration act na isulong at itaguyod ang kapakanan at interes ng Filipino maging sa loob at labas ng bansa.

Ayon kay Remulla isa sa paraan upang mapangalagaan ang ating mamamayan ay ang pagpapalawak ng mga pag-uuri o pagkaklase ng mga dayuhan na pagbabawalang pumasok sa loob ng bansa at ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga dayuhang gagawa ng krimen sa loob ng ating bansa.