Thursday, February 11, 2010

Walang paradahan, walang rehistro ng sasakyan

Hindi na puwedeng irehistro ang sasakyan kung walang itong pagpaparadahan sa tirahan at malabo nang makabili ang sinuman ng sarili sasakyan kung wala ring paradahan nito.

Sa HB07052 ni Rep Narciso Santiago III, hindi na papayagang magrehistro ng bagong sasakyan
kung walang espasyo para sa pagpaparadahan ng sasakyan nito sa loob ng kanyang bakuran.

Sinabi ni Santiago na kailangang magpakita ng proof of permanent parking space and sinumang nagnanais magparehistro ng kanilang sasakyan.

Ayon sa kanya, ito ay upang maiwasang gawin at gamiting paradahan ang mga tabi ng kalsada ng mga nagmamay-ari ng sasakyan na wala namang sariling paradahan sa loob ng kanilang bakuran.

Nagiging sanhi umano sila ng trapiko kahit na sa gabi dahil naging overnight parking lots ang parehong gilid ng kalsada ng mga pribadong sasakyan kaya dapat pairalin daw ang disiplina para maging responsible ang bawat nagmamay-ari ng sasakyan na siguruhing may sarili silang paradahan kung may sasakyan sila.

Isa pang dapat maiwasan umano ay ang pagbili ng lagpas sa isang sasakyan, samantalang ang kanilang lugar ay para lamang sa iisang sasakyan.

Idinagdag ng mambabatasna dapat pantay ang lahat at kung may kakayanang bumili ng dalawa o tatlong sasakyang ang isang indibidwal, dapat ay may kakayanan din siyang bigyan ito ng sapat na lugar na maaari niyang pagparadahan.