Ipagdiwang sa Pangasinan ang World Wetlands Day nitong buwan ng Pebrero sa pamamagitan ng paglilinis sa mga baybayin ng mga bayan at pagtatanim ng bakawan sa buong lalawigan, lalo sa mga barangay ng Lucap, Victoria at Telbanc sa Alaminos.
Ang proyektong tatagurianng “Alay Pagmamahal sa Kalikasan” ay pangungunahan ni Pangasinan Rep Arthur Celeste, kasama ang mga pribado at boluntaryong samahan tulad ng Alliance for a Cleaner Earth (ACE), at sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources-Pangasinan.
Sinabi ni Celeste na ang mga nakapanlulumong epekto ng sunod-sunod na bagyo sa bansa, lalo na sa lalawigan ng Pangasinan ang pumukaw sa kamalayan ng mga mamamayan upang gumawa ng mga paraan upang mapangalagaan at maprotektahan ang kalikasan.
Ayon sa kanya, kung nais umano nating datnan pa ng mga susunod na henersayon ang kagandahan ng ating kapaligiran tulad ng Hundred Islands, Bolinao Cape at Lingayen Gulf, ay kailangang simulan na daw ngayon ang pagsusulong ng mga sistema upang matugunan ang epekto ng pagbabago ng panahon.
Ang pagdiriwang ito ay sinuportahan ni Pangasinan Gov Amado Espino, Sangguniang Kabataan at iba pang boluntaryong samahan at pasisinayaan ng isang konsyertong pang-kamalayan na tinawag na “Rakrakan Para sa Kalinisan ng Kalikasan” at nakatakdang daluhan ng mga banda, mang-aawit at mga tagapagsalita at dalubhasa sa larangan ng kalikasan