Makukulong ng 12 taon at magmumulta ng di lalagpas sa P1,000,000.00, ang sinumang employer na mapapatunayang hindi pantay ang pagturing sa isang aplikante ng trabaho o kaya ay sa
kanyang empleyado, kung ang pagbabatayan ay ang HB07031.
Tataguriang Unlawful Employment Practice Act of 2009 ang nabanggit na panukala ni party-list Rep Narciso Santiago III na naglalayong bigyan ng proteksiyon ang lahat ng manggagawa at maging ang nag-a-apply pa lamang ng trabaho.
Ayon kay Santiago, ang diskiminasyon sa isang mangagagawa ay kung pinakitaan ng di pantay na pakikitungo o pagtrato ang isang tao dahil sa kanyang idad, lahi, kasarian, piniling uri ng pamumuhay, kakayahan o kapansanan, o relihiyon.
Dagdag pa ni Santiago maituturing na isang paglabag sa pantay na karapatang pantao kung ang isang employer ay laging may pinag-iinitan, kahit na hindi naman sapat ang dahilan upang pag-initan siya ng kanyang boss.
Ituturing na diskriminasyon sa isang empleyado, ayon pa sa kanya, kung ito ay hindi makakatanggap ng promosyon dahil lamang sa kanyang relihiyon, idad o kasarian,” ayon pa sa mambabatas,
Maging ang employer na tatanggi sa isang aplikante, ayon pa sa panukala, ang hindi pagbibigay ng pagsasanay o training para siya ay matanggap sa trabahong kanyang nais makuha dahil sa kanyang edad, kasarian, relihiyon, kalagayan sa buhay, lalo na at kung ang dahilan lamang ay ang pagiging may-asawa, at kapansanan ay posible ring maparusahan.
May karapatan naman tanggihan ng isang employer ang aplikante kung ang kanyang pisikal at mental na kakayahan ay hindi angkop sa kanyang nais pasuking trabaho.
Maaaring humingi ng medical at psychological examination ang employer sa mga aplikante upang matukoy kung angkop ang isang magnanais magtrabaho sa kanya sa trabahong nais nitong pasukin.