Itatatag, batay sa HB07043 ni Camarines Sur Rep Luis Villafuerte, ang isang Water Hyacinth Research and Development Institute (WHRDI) na siyang magsasagawa ng mga pag-aaral kung papaanong magiging kapaki-pakinabang ang mga halamang tubig na ito na itinuturing na malaking peste dahil sa mabilis lumago at dumami ang mga ito at minsan naging sanhi pa ng mga pagbaha dahil bumabara ang mga ito sa lahat ng daanang tubig tulad ng ilog, kanal, at sapa.
Sinabi ni Villafuerte na natuklasan sa mga naunang pag-aaral na ang tangkay ng water hyacinth ay maaaring gawing lubid o di kaya ay materyales sa paggawa ng mga muebles na posibleng magamit na alternatibong materyales sa yamayabaong na industriya ng paggawa ng muebles na ipinapadala sa ibang bansa.
Ayon sa kanya, ang mga bulaklak, dahon at petioles naman ng water hyacinth ay maaaring gamiting panggatong, pagkain ng manok at isda at patubuan ng kabute na ginagamit sa mga food supplements at kung matutukoy ang tamang paraan kung papaanong mapapakinabangan ang mga ito ay malaking tulong ito sa maraming tao.
Mainam din umano ang halamang ito dahil napakarami nito sa mga ilog, madaling tumubo at lumaki ng di kinakailangang tutukan ang pag-aalaga o gamitan ng pestisidyo.
Isa sa mahalagang pagtutuunan ng pag-aaral sa water hyacinth ay ang tamang pag-aani nito at ang tamang pagpo-proseso, kasama na rin ang pagpapalaganap ng kaalaman sa mamamayan kung ano ang kahalagahan ng halamang ito.