Thursday, January 14, 2010

Walang constitutional impediment sa paghirang ni Pangulong Arroyo ng bagong SC chief

Ipinahayag kahapon ni House Speaker Prospero Nograles na ganap na walang constitutional impediment sa paghirang ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng susunod na maging Chief Justice ng Korte Suprema na papalit sa magreretirong si Chief Justice Renato Puno.

Sinabi ni Speaker Nograles na bilang isang abogado, sinusugan niya ang pahayag ni Senate President Juan Ponse Enrile hinggil sa kanyang posisyon tungkol sa appointment ng Punong Mahistrado, siya bilang isang legal luminary at isang bar topnotcher.

Idinagdag pa ni Nograles na idinidekta ng national security at national interest na dapat walang hiatus o puwang sa hudikatura lalu na sa krusyal na panahon ng pagganap ng national at local elections.

Matatandaang nagbigay ng opinyon si Enrile kamakailan lamang na legal na maghirang ang Pangulo ng successor kay Puno sa siyang magre-retire sa ika-17 ng Mayo at ang appointee ay hindi na kailangan pang dumaan sa review ng Judicial ang Bar Council kung ang susunod na Chief Justice ay manggagaling sa hanay ng mga Supreme Court Justice.

Idinagdag pa ni Enrile sa kanyang pahayag na ang sinasabing pagbabawal ay patungkol lamang sa ehekutibo at hindi sa hudikatura.

Mariing sinabi pa ng Speaker na ang national debate hinggil sa nasabing isyu ay malusog na democratic exercise na sabay na ring nakakapag-bibigay ng impormasyon at karunungan sa mamamayan hinggil sa mga constitutional na usapin at kaugnay na mga isyu upang hindi ang mga ito maiiwanang malabo sa mga isipan ng publiko.

Ayon pa sa kanya, ang consistent at mahalagang pagganap ng media sa paglalahad sa publiko ng mga isyu hinggil sa national concern ay tunay na nagpapaibayo na rin ng transparency sa pamamahala.