Ipinahayag kahapon ni An Waray Rep Bem Noel ang kanyang pagkadismaya sa Cebu Pacific at nagmungkahing dapat managot ito sa ipinamalas nitong diskriminasyon nang pagbawalang pasakayin ang isang special child sa kanilang eruplano.
Sinabi ni Noel na hindi dapat na palagpasin ang nangyari dahil baka pamarisan ito ng ibang airline companies.
Ayon sa kanya, kulang umano ang katagang ‘sorry’ lamang sa ganitong pagkakamali at dapat mapatawan ng penalty ang airline para masiguro na hindi na ito mauulit pa.
Itinanong ng mababatas kung nanggulo ba ang bata samantalang may ticket naman ito at bakit ayaw itong pasakayin sa eruplano.
Sa isang ulat, sinabi ni Marites Alcantara na pilit silang pinababa sa eruplano ng Cebu Pacific dahil hindi umano pinapayagan ang mga special child na sumakay ng kanilang eruplano.
Pauwi na sa Pilipinas ang mag-ina mula sa Hong Kong nang maganap ang insidente noong nakaraang Disyembre 23.
Dapat umano ay maging sensitibo ang mga airline company sa kanilang mga pasahero.