Tuesday, January 26, 2010

Organic agriculture, isinusulong

Isinusulong ngayon sa Kongreso ang pagpapaunlad ng organic agriculture sa bansa upang maisulong ang isang sistema sa pagsasaka na hindi banta sa kapaligiran at upang masiguro ang sapat na pagkukunan ng pagkain.

Sinabi ni Camarines Sur Rep Luis Villafuerte na layunin ng kanyang panukala, ang HB07043, na isulong ang pagpapalaganap at pagpapaunlad ng organic agriculture na may layuning masiguro ang pagkakaroon ng ligtas na pagkain at kapaligiran dahil hindi ito gagamitan ng toxic pesticides, chemical fertilizers, synthetic chemicals, genetically modified organisms, antibiotics, sewage sludge o irradiation.

Ayon pa kay Villafuerte, ang mga nabanggit na pestisidyo ay makapagdudulot ng polusyon na maging sanhi upang makontamina ang aning ginamitan nito, ang hangin at ang tubig na nasa paligid ng sakahang ginagamitan ng pestisidyo.

Idinagdag pa niya na ang mga magsasakang lumilipat sa pagsasaka gamit ang organic system ay nahaharap sa maraming pagsubok tulad ng mataas na halaga ng organic products certification, limitadong impormasyon sa tamang pamamaraan ng organic agriculture at ang kakulangan sa oportunidad na maibenta ng tama ang kanilang produkto.

Ani Villafuerte pangunahing layunin ng panukala na maipakalat ang kaalaman, maiparating sa mamamayan ang kahalagahan ng organic farming at produkto nito, at magsagawa ng isang komprehensibong programa hinggil sa organic farming sa bansa upang maunlad na maisulong ang organic agriculture sa bansa.