Tuesday, January 12, 2010

Nilagdaan na ang panukalang magtatatag ng Caraga State University

Pinapurihan ni Agusan del Norte Rep Joboy Aquino si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa paglagda at pagsabatas nito ng HB05110 na nagtatatag sa Caraga State University (CSU).

Nilagdaan ni Pangulong Arroyo ang RA09854 noong Martes na magbebenepisyo sa mga mahihirap na mag-aaral sa mga lalawigang sakop ng Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur at mga lungsod ng Butuan, Surigao at Bislig sa rehiyon ng Caraga.

Sinabi ni Aquino na ang rehiyon ng Caraga ang may pinakamataas na antas ng kahirapan sa bansa batay sa datos ng 2003 National Statistical Coordination Board (NSCB) at ang pagtatatag ng CSU ay tutugon sa matagal nang suliranin sa mura at de-kalidad na edukasyon na siyang magdadala ng kaunlaran at kasaganaan sa rehiyon.

Ayon pa kay Aquino, ang mga napapanahong kurso, kasama na ang graduate studies at extension research programs para sa mga mag-aaral sa Caraga at maaari na nilang mapag-aralan sa CSU.

Idinagdag pa ng mambabatas na pinatunayan umano ng pangulo ang kanyang pagmamalasakit at katapatan para sa mamamayan, lalo na sa mga mahihirap na mag-aaral para makaranas naman sila ng de-kalidad na edukasyon.

Ang pamantasan ay may mandato na maghandog ng advanced education, higher technological, professional instruction at pagsasanay sa larangan ng agrikultura at kalikasan, fishery, engineering, forestry, industrial technology, education, law, medicine at iba pang kahalintulad na programa sa kalusugan, information technology, arts and sciences at iba pang kurso.