Iminungkahi ni Senior Citizens Party-list Rep Godofredo Arquiza na gawaran ng pabuya ang mga nagmamaneho ng mga sasakyan sa lansangan na walang naitalang paglabag sa trapiko sa loob ng tatlong taon.
Sa HB07038, bigyan ng insentibo ang mga drivers na tumatalima at gumagalang sa mga batas-trapiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng limampung porsyentong (50%) diskwento sa renewal ng kanilang mga lisensya sa pagmamaneho.
Sinabi ni Arquiza, layunin ng kanyang panukala na itaguyod ang hangarin para sa ligtas na pagmamaneho, mabuting asal para sa mga nagmamaneho at maayos na pagpapatupad at pagsunod sa mga bartas-trapiko para na rin sa kaligtasan ng mga mamamayang gumagamit ng lansangan.
Ayon sa kanya, sa loob ng maraming taon ay napakarami ng aksidente sa lansangan ang nagpapasakit sa ulo ng mga nagpapatupad ng batas-trapiko at mga opisyal ng pamahalaan na sanhi ng mga barumbadong drivers.
Batay sa mga pag-aaral, ang mga aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng mga reckless driver ang isa sa lumalalang suliranin sa bansa.
Panahon na umano para tugunan ng pamahalaan ang lumalalang problemang ito at ang mabubuting drivers ay dapat na gawaran ng pabuya upang maging huwaran sila doon sa mga drivers na walang modo sa lansangan.
Naniniwala si Arquiza na magiging simula na ito upang sundin ng lahat ng nagmamaneho ng sasakyan ang wastong bilis, wastong asal, pagsunod sa mga patakaran at batas ng trapiko, at pagrespeto sa lahat ng gumagamit ng lansangan.