Saturday, January 16, 2010

Ingles na ang maging medium of instruction sa mga paaralan

Uumpisahan nang balangkasin sa Kamara de Representantes ang HB05619, ang panukalang naglalayong patatagin ang antas ng wikang Ingles at gamitin itong pangunahing medium of instruction (MOI) sa lahat ng paaralan at pamantasan sa bansa.

Sinabi nina Basic Education and Culture Committee Chair Marikina City Rep Del De Guzman at Higher and Technical Education Committee Chair Las PiƱas City Rep Cynthia Villar na mamadaliin nila ang pagtalakay sa HB05619 na iniakda nina Camarines Sur Rep Luis Villafuerte, Cebu City Reps Raul del Mar at Eduardo Gullas upang maiangat ang kasanayan ng mga mag-aaral sa naturang wika at maiangat ang kakayahan ng mga Pilipino sa pandaigdigang kumpetisyon sa trabaho.

Ayon sa mga may-akda ng panukala, ang wikang Ingles ang pandaigdigang wika lalo na sa mga pagsasaliksik, agham at makabagong teknolohhiya.

Walang kasiguruhan na kapag isinalin sa wikang Pilipino ang pamamaraan ng pagtuturo at eksaminasyon ay bababa ang bilang ng mga bumabagsak sa pagsusulit, ayon pa sa kanila, at hindi rin anila kumpleto ang wikang Filipino kung isasalin ang wikang Ingles lalo na sa paggamit ng mga scientific at technological terms.

Inaasahan ng mga mambabatas na maiwawasto ng panukala ang kasalukuyang Bilingual Education Program ng Department of Education upang mapaunlad ang pagtuturo sa mga paaralan.