Wednesday, January 06, 2010

Impormante sa mga political killings, bibigyan ng pabuya

Bibigyan ng pabuyang mula P500,000 hanggang P10,000,000 ang sinumang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon sa otoridad hinggil sa mga salaring sangkot sa political killings sa bansa.

Sinabi ni Muntinlupa Rep Rozzano Rufino Biazon, ang lumalaking bilang ng kaso ng mga political killings na kadalasang ang biktima ay kabilang sa mga itinuturing na makakaliwang grupo ay
nagbibigay na ng negatibong epekto hindi lamang sa bansa kundi maging sa international community.

Ayon sa kanya, ang hindi pagkakaaresto, pagkakasampa ng kaso at tuluyang pagpaparusa sa mga responsible sa mga political killings at sa kabiguan ng pamahalaan na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ay isang indikasyon na hindi kayang bigyan ng proteksiyon ng pamahalaan ang buhay ng bawat mamamayan.

Idinagdag pa ni Biazon na kapansin-pansin umano na ang ginagawang pagpatay sa mga biktima na kadalasan ay hinihinalang may kinalaman sa politika ay isinasagawa ng mga salarin na gumagamit ng baril upang patayin ang kanilang target at gamit naman ang motorsiklo sa kanilang pagtakas.

Ayon pa sa mambabatas dapat ipatupad ng pamahalaan ang 14-point program ng Amnesty International upang matigil na ang extra-judicial executions.

Dahil dito hinimok ni Biazon ang kanyang mga kasamahang mambabatas na maipasa na sa lalung madaling panahon ang kanyang panukala, ang HB06304, na may layunin makapagbigay ng cash reward sa sinuman na makapagbibigay ng mahalagang impormasyon na magiging daan upang maaresto at tuluyang maparusahan ang salarin na may kinalaman sa political killing.