Tuesday, January 19, 2010

Hahawakan na ng ERC ang kontrol ng mga electric coops

Marapat lamang na nasa pamamahala at kontrol ang lahat na mga electric cooperative sa Energy Regulatory Commission (ERC) na nakarehistro sa Cooperatives Development Authority (CDA).

Ito ang ipinanukala nina Party-list Reps Cresente Paez at Jose R. Ping-ay sa HB06984 na may layuning makinabang ang mga electric cooperatives sa mga benepisyo at pribilehiyo tulad ng pagpapaunlad at rehabilitasyon ng kani-kanilang mga power distribution system.

Sinabi ni Rep Ping-ay na ang mga electric cooperatives na nakarehistro sa ERC ay maaari ng mabigyan ng alokasyon mula sa Kongreso, mga grants, subsidies at iba pang uri ng tulong pinansiyal na maaaring maibigay ng elektripikasyon na maaaring idaan sa Department of Energy (DOE), sa ERC at sa mga local na pamahalaan.

Dagdag pa ni Ping-ay na ang pagsasabatas ng RA06938 o mas kilala sa taguring Cooperative Code of the Philippines na inamiyendahan ng RA09520, ang mga electric cooperatives (Ecs) ay binibigyan ng karapatang pumili na magrehistro sa CDA o di kaya’y sa National Electrification Administration (NEA).

Ipinaliwanag naman ni Paez na ang ERC ay itinatag sa ilalim ng RA09136 o mas kilala sa tawag na Electric Power Industry Reform Act of 2001, bilang isang independenteng sangay na may karapatang magkontrol sa mga EC.

Ayon kay Paez, ang ERC ang umano nagsasagawa ng mga alituntunin para sa lahat ng EC na nagnanais na mangutang para sa elektripikasyon sa mga probinsiya sa ilalim ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation na ang pangunahing layunin ay ang pondohan ang mga programa ng elektripikasyon sa mga probinsiya.

Sa ilaim ng isinusulong na panukala nina Ping-ay at Paez, mawawala na sa NEA ang karapatang kontrolin, pangasiwaan at pamahalaan ang mga electric cooperatives na magpaparehistro sa ERC