Monday, January 25, 2010

Good conduct time allowance ng mga preso, isinusulong

Nakatakdang aprubahan na ang bicameral conference committee ng panukalang magbibigay ng good conduct time allowance sa mga preso na sumailalim sa mga programa ng institusyon tulad ng pag-aaral at values development sa loob ng kulungan.

Sinabi ni Iloilo City Rep Raul Gonzalez Jr na layunin ng kanyang panukala, ang HB04925 na mapaangat ang kaalaman ng bawat preso maging ang kanilang paniniwala at pag-uugali upang maging madali na ang muling pakikisalamuha niya sa ibang tao kapag siya ay nakalabas na ng kulungan.

Ang pagbibigay ng good conduct time allowance, ayon pa kay Gonzales, ay makakabawas sa taon ng kanilang pagkakakulong ng isang preso. Isang mainam na paraan upang mabawasan ang gastusin sa lahat ng kulungan dahil bababa ang bilang ng mga nakakulong dahil sa magandang ipinapakita ng isang preso.

Sa ilalim ng panukala, ang time credit ay ipagkakaloob sa isang preso na nakatapos ng post-graduate o college degree, high school o nakakuha ng diploma sa elementarya, nakakumpleto ng isang vocational o technical skill o di kaya ay nakakuha ng values development certificate, maging ang mga magtuturo ng mga aralin sa mga nabanggit na kurso at pag-aaral ay mabibigyan din ng time credit.

Layunin din ng panukala na makaiwas ang mga preso sa pagtatangkang tumakas at sa mga riot o gulo na kadalasang nangyayari kung walang maliwanag at kapakipakinabang na programa ang institusyon.