Ipapatutupad na ng pamahalaan ang paggamit ng global positioning system (GPS) ng mga barko, maging ng maliliit na sasakyang pandagat man upang maiwasan ang mga sakuna sa karagatan kapag naaprubahan ng Kamara ang HR01505 na iniakda ni Party-list Rep Vigor Mendoza.
Sinabi ni Mendoza na napakahalaga ng GPS sa paglalayag dahil ito ang pinaka- epektibong gamit upang maipaabot sa mga kinauukulan kung may mga sakuna sa karagatan kung saan ay makapagliligtas ito ng libo-libong pasahero at milyong halaga ng ari-arian at kargamento.
Ayon sa kanya, ang madalas na aksidente sa paglalayag ay sanhi ng mga bagyong tumatama sa ating bansa, kalumaan o hindi maayos na pagmimintena ng mga sasakyang pandagat at ang mahinang pagpapatupad ng mga batas sa paglalayag para sa kaligtasan ng mga mananakay.
Dapat lamang umanong paigtingin ang mga pamamaraan para sa kaligtasan ng ating mga mamamayan at isa na rito ay ang mahigpit na paggamit ng GPS upang madaling matunton ang eksaktong lugar kung saan nangyayari ang isang sakuna.
Sa pamamagitan aniya ng GPS, mas magiging epektibo ang trabaho ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagtugon sa mga sakuna.