Monday, January 11, 2010

Electronic equipment, hindi simpleng basura

Sinabi ni ARC Rep Narciso Santiago na hindi dapat ibinibilang sa mga simpleng basura ang mga electronic gadget dahil may posibilidad itong makasira sa kalikasan kung hindi maitatapon sa tamang paraan kung kaya't nais niyang ipagbawal ang pagtatapon ng mga lumang electronic gadget sa mga pasilidad ng solid waste management.

Nais din ni Santiago na muling gamitin o magawan ng paraan upang mai-recycle ang mga electronic gadget na ito upang maiwasang maging simpleng basura lamang ito at makasira pa ng kalikasan.

Ayon sa kanya, bawat electronic gadget ay naglalaman umano ng cadmium, tingga (lead) at asoge (mercury), at iba pang itinuturing na hazardous components na nakakasira sa kalikasan.

Nakasaad sa HB06981, ang panukalang isinumite ni Santiago, na posibleng maharap sa parusang isa hanggang tatlong buwang pagkakakulong at multang di bababa sa P20, 000 ang sinumang
mapapatunayang nagtapon ng mga electronic gadget sa alinmang pasilidad ng solid waste management.

Maging ang pasilidad ng solid waste management na mapapatunayang tumanggap ng mga lumang electronic gadget upang idispatsa gamit ang incinerator, ay nahaharap din sa parehong kaparusahan.