Pinapurihan ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara ang kanyang mga kasamahang mambabatas sa Kamara sa pagkakapasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ng panukalang cybercrime bill na magpapataw ng kaparusahan sa mga lalabag sa nabanggit na batas.
Dahil dito, hinikayat ni Angara, isa sa mga may-akda ng HB06794 na tinaguriang Cybercrime Prevention Act, ang kanyang mga kasamahang mambabatas sa Senado na bigyan ng panahon at pagsikapang ipasa sa lalung madaling panahon ang naturang panukala na may layuning maproteksiyunan ang mga mamamayan sa tumataas na insedente ng iligal, malisyuso at nagbabanta sa buhay ng kreming isinasagawa sa pamamagitan ng paggamit ng internet, cellular phone at iba pang mga computer device.
Sinabi ni Angara na sa gitna ng paglaganap ng teknolohiya, kahit ang mga database ng pamahalaan ay isa na rin sa mga pangunahing biktima ng mga ganitong uri ng krimen.
Ayon sa kanya, mahalagang magpasa ng batas ang Kongreso laban sa cybercrime para sa prevention, apprehension at prosecution ng mga salarin sa cybercrime act.
Marapat lamang, dagdag pa ni Angara, na magkaroon ang bansa ng isang mahalagang pagsasabatas upang mahadlangan na ang gawaing pagkuha, pag-upload at pag-distribute ng mga sex videos sa pamamagitan ng mga nabanggit na kagamitan.