Magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Mababang Kapulungan sa nakaraang dalawang aksidenteng naganap sa karagatan sa muling pagbubukas ng sesyon nito.
Sinabi ni Bacolod City Rep Monico Puentevella na sa nakatakdang imbestigasyon, sesentro ito sa kaparaanan kung paano maiwasan ang ganitong mga insidente ng sa gayon ay maligtas ang buhay ng daan-daang pasahero ng mga sasakyang pandagat na tulad ng nasangkot sa aksidente.
Ayon pa kay Puentevella, ipapatawag ng mga mambabatas ang lahat ng may kinalaman sa insidente tulad ng mga opisyal ng bawat kumpanyang sangkot at mga ahensiya ng gobyernong may hurisdiksyon sa ating karagatan at sa mga usaping pandagat.
Nitong nakaraang pasko, apat katao ang namatay at humigit-kumulang 24 naman ang iniulat na nawawala nang bumangga ang M/V Catalyn B sa isang sasakyang pangisdang F/V Anatalia malapit sa Cavite.
Makaraan ang isang araw, anim na pasahero naman, kabilang ang isang sanggol, ang namatay at 51 naman ang naiulat na nawawala makaraang lumubog ang M/V Baleno 9 malapit sa Verde island sa Batangas.
Ayon pa kay Puentevella, ang mga nakaraang aksidente ay isang malaking patunay na kailangan ng maisabatas ang panukalang Maritime Code of the Philippines na isa naman sa mga prayoridad ng Kongresong maipasa.