Tuesday, September 15, 2009

Umani ng panunuligsa ang Intramuros Administration sa Kamara

Binatikos ni Iloilo Rep Raul Gonzalez Jr. ang Intramuros Administration (IA) sa ginawa nitong pagsibak sa 43 kawani na matagal nang nagsisilbi sa naturang tanggapan mula 10 hanggang 30 taon.

Inirekomenda ng House Committee on Civil Service and Professional Regulations na ibalik sa kanilang mga trabaho ang mga kawani dahil sa hindi makatarungang pagsibak sa kanila noong nakaraang Mayo 1, 2008, kasama ang kanilang mga benepisyo at insentibo na hindi nila natanggap sa panahon ng kanilang paglilingkod bilang kaswal na manggagawa.

Batay komite, nagkamali ang AI nang ibinaba nila ang kalagayan ng mga kawani mula casual sa job orders noong Mayo 2008, na naging dahilan ng otomatikong nagtatanggal sa kanila sa serbisyo sa pamahalaan.

Matapos nito ay muling pinatrabaho ang mga kawani bilang JOs at nagsilbi sa gayun ding trabaho at responsibilidad.

Ibinatay umano ng IA ang kanilang kautusan na ibaba ang posisyon ng mga kawani sa ipinalabas na audit observation memorandum ng Commission on Audit (COA), subali’t hindi naman iniutos ng COA sa pamunuan ng AI na palitan ang mga posisyon ng mga kawani mula casual sa job orders.

Ipinaliwanag ni Gonzalez na ipinunto lamang umano ng COA na ang suweldo at mga benepisyo ng mga kawani ay dapat na kunin sa Personnel Services Fund at hindi sa Maintenance and Other Operating Expenses ng tanggapan. paglilinaw ni Gonzalez.

Ayon sa mambabatas, hindi umano makatarungan para sa mga manggagawa ang ginawa sa kanilang mga posisyon bilang kawani ng pamahalaan dahil sa uri ng kanilang trabaho at hindi dapat na idahilan ang pagkukunan ng pang suweldo sa kanila.

Nagbabala ang mambabatas sa IA sa anumang aksyon na hindi naaayon at gaganti laban sa mga apektadong kawani at pinayuhan niya ang tanggapan na magpairal ng maaliwalas na relasyong manggagawa-tagapamahala para sa ikaaayos ng maganda at kalidad na paglilingkod sa pamahalaan.