Isinusulong ni Nueva Ecija Rep Eduardo Nonato Joson na tanggalin ang edad bilang kwalipikasyon ng dependents, na basehan ng mga nagbabayad ng buwis upang mabigyan ng additional tax exemption.
Sa HR01117 na inihain ni Joson, nais ng mambabatas na balangkasin ng Kamara ang umiiral na patakaran hinggil sa tax exemptions at kung papaano madadagdagan ito sa ilalim ng National Internal Revenue Code.
Sinabi ni Joson na kung ang pagbabasehan ay ang kaugalian ng mga Pilipino, hindi edad ng dependent ang batayan sa suportang ibinibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak dahil mas madalas ay lumalampas pa ito ng sa 21-taong gulang.
Ayon sa kanya, ang nagbabayad ng buwis batay sa batas ay makakakuha ng karagdagang exemption na P25,000.00 kada dependent na nag-eedad ng hindi lalampas sa 21-taong gulang.
Idinagdag pa ni Joson na ang salitang dependent ay tumutugon sa mga legitimate, illegitimate o legally adopted child na umaasa sa kabuhayan ng isang nagbabayad ng buwis.
Ayon pa sa kanya, hindi lamang ang mga ank ang sinusuportahan ng isang ama ng tahanan kungdi maging ang mga kapatid, magulang, malalapit at malalayong kamag-anak na walang kakayahang
suportahan ang kanilang mga sarili.
Dapat lamang aniyang pag-aralan at bigyang halaga ng Kongreso ang tunay na kalagayan ng mga nagbabayad ng buwis upang makapagpasa ng mga batas na tutugon sa problemang ito.