Thursday, September 03, 2009

SLEX, pinamamadaling makumpuni ng DPWH

Nagpahayag si Quezon Rep Proceso Alcala ng pagkadismaya sa mabagal na pag-usad ng pagkokumpuni at pagsasaayos ng Southern Luzon Expressway (SLEX) at iminungkahi nito ang pagmamadaling masolusyunan ang matagal nang inirerklamog pagkabalam sa pagsaayos ng naturang proyekto na nagreresulta ng labis epekto sa mga bumibiyahe.

Dahil dito, nananawagan si Alcala kay Public Works and Highways (DPWH) Secretary Hermogenes Ebdane na madaliin ang pagkumpuni ng SLEX na ayon sa kanya ay inaabot lamang ng 3 oras na biyahe mula Makati hanggang Lucena City noon, subalit ngayon ay umaabot na ito ng 6 na oras na byahe na kung kaya't labis na nakakaapekto ito sa ekonomiya dahil sa nasasayang na oras sa pagkabalam ng kalakalan tulad ng mga biyahero ng mga gulay, prutas, isda at iba pang paninda na ibinibyahe sa mga pamilihang bayan sa lalakhang Maynila.

Inihain ng mambabatas ang HR01258 na nag-aatas kay Ebdane na madaliin ng kanyang tanggapan ang pagsolusyon sa problema dahil sa tumataas na bilang ng reklamo mula sa mga mamamayan, na
iritado na sa araw araw kalagayan ng mabigat na trapiko sa SLEX, at mas malala pa umano tuwing katapusan ng Linggo at panahon ng tag-ulan.

Ayon pa kay Alcala, ang mga naglalakbay mula sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas, Quezon, Camarines Norte at Sur, at Sorsogon ang labis na apektdo sa mabigat na trapiko sa kabuuan ng SLEX. Walang silbi at wala sa katuwiran ang mga inilalagay na concrete barriers at rubber pylons ng Philippine National Construction Company sa hi-way dahil lalo lamang nitong pinasisikip ang daloy ng trapiko.