Thursday, September 17, 2009

Pagbuwag ng PASG, isinusulong sa Kamara

Ipinukala ni Albay Rep Al Francis Bichara na buwagin na ang Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) dahil sa malawakang korapsiyon at hayagang pag-abuso sa tungkulin imbes na sugpuin ang smuggling at puksain ang korapsiyon sa bansa ay naging sanayan at itlugan ng mga tiwali at walanghiyang opisyales at kawani ang tanggapan ng PASG.

Sa isang privilege speech, sinabi ni Bichara na napakarami ng reklamo ang ipinupukol laban sa PASG mula sa mga lehitimo at mararangal na negosyante na nagbibigay buhay sa ekonomiya ng bansa at kabilang sa mga reklamo ang suhol, pangingikil at pangongotong.

Ayon kay Bichara, sa katunayan ay nagsasagawa sa kasalukuyan ng strike ang mga customs brokers at truckers associations para sa pagsibak kay PASG chief Antonio Villar at nagbabala rin ang mga ito na paparalisahin nila ang kanilang operasyon sa Cebu, Mactan, Davao at General Santos upang maipaabot ang kanilang protesta laban sa PASG.

Naging biktima rin umano siya sa pang-aabuso ng PASG nang isama nito ang apat niyang sasakyan noong Disyembre 2007 sa imbestigasyon at kalaunan ay kinumpiska ng walang kadahilanan o kaukulang ebidensya.

Lumabag din daw ang PASG sa pagbibigay ng pahintulot sa mga taong gumanap ng mga tungkuling nakalaan lamang sa mga kawani ng tanggapan.

Sa katunayan pa nga, dagdag pa ng solon, may listahan umano siya ng mga non-government personnel kasama ang ilang broker at maging ang mga fixer na nag-inspeksyon ng mga kargamento kahit wala itong mga legal na karapatan.

Dapat na umanong buwagin ang PASG dahil wala nang silbi ang tanggapang ito at ang kanilang tungkulin ay maaaring nang gampanan ng Bureau of Customs (BOC) na mas mapagkakatiwalaan at may kakayahang ipairal ang matapat at malinis na paglilingkod.