Tuesday, September 22, 2009

Mga may-ari ng kolorum na sasakyan, binalaang ikulong

Mga may-ari ng mga pampasaherong sasakyan na walang prangkisa o ang tinatawag na kolorum, sapol kapag naisabatas ang HB06691 ni party-list Rep Vigor Mendoza na may layuning magtataas ng multa mula P200 hanggang P100,000.

Sa ilalim ng panukala, papatawan din ng parusang pagkabilanggo ng hindi bababa ng anim na taon ang sinumang mapapatunayang nagkasala at ito ay magsisilbing babala sa mga lumalabag at hikayatin ang mga lehitimong operator na maglaan ng karagdagang sasakyan.

Sinabi ni Mendoza na matagal nang problema ang kolorum sa mga lansangan kung kayat ang panukalang ito ang tutugon upang maisaayos ang trapiko at madagdagan din ang kita ng mga lehitimong nagmamaneho ng pampasaherong sasakyan, gayun na rin ang kaligtasan ng mga mananakay.

Ang iligal na gawain ng kolorum ay lubhang nakakaapekto umano sa ekonomiya at dahil dito, lumaganap umano ang gawaing pangongotong at suhulan sa hanay ng mga nagpapatupad ng batas trapiko.

Ayon kay Mendoza, sagabal din umano ito sa pagpaplano ng lokal na pamahalaan sa pagsasaayos ng trapiko sa kanilang mga nasasakupan at bukod sa hindi nagbabayad ng buwis ang ito, napakababa rin ng kaparusahang ipinatutupad batay sa RA04136 o ang Land Transportation and Traffic Code na P200 lamang at suspensyon ng lisensya.

Sa ilalim ng bagong batas, hindi maaaring matubos ang sasakyang nasangkot sa paglabas mula sa nanghuli nang walang pahintulot mula sa hukumang may hawak ng kaso, suspensyon ng lisensya ng nagmaneho at rehistrasyon ng behikulo sa loob ng isang taon.