Isinusulong ngayon ni party-list Rep Narciso Santiago III ang HB06526 na naglalayong parusahan ang mga kompanya at kontraktor ng kalakal at serbisyo na nandaraya sa kanilang kontrata sa pamahalaan.
Sinabi ni Santiago na layunin ng kanyang panukala, ang War Profiteering Prevention Act, na maiwasan o lubusan ng matanggal ang pandaraya sa mga kontrata na may kaugnayan sa mga serbisyo at kalakalan sa militar, relief at reconstruction upang ganap nilang magampanan ang kanilang tungkulin.
Ayon sa mambabatas, walang umanong kakayahan ang pamahalaan na bantayan ang sistema ng pangongontrata sa gobyerno at busisiin ang mga responsibilidad at accountability ng mga kontraktor.
Dagdag pa ni Santiago na hangad din umano ng publiko na maiwasto at maisaayos ang sistema ng procurement sa gobyerno.
Sa ilalim ng panukala, ang sinumang mapapatunayang lumalabag at may paghahangad na mandaya sa kanilang kontrata sa pamahalaan ay paparusahan ng hindi bababa ng anim na buwang pagkabilanggo o pagmumultahin ng hindi bababa ng P100,000, o pareho, depende sa hatol
ng hukuman.