Thursday, September 10, 2009

Media, makakaboto na sa 2010 elections

Nakatakda nang balangkasin sa plenaryo ang HB06622 na iniakda ni Makati Rep Teodoro Locsin Jr. hinggil sa pagboto ng mga miyembro ng media sa panahon ng halalan.

Batay sa panukala ni Locsin, titiyakin ng batas na makakaboto ang mga miyembro ng media na nakadestino sa malayong lugar habang gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa panahon ng eleksyon.

Sa ilalim ng panukala, papayagan lamang silang makaboto sa mga posisyon ng pangulo, pangalawang pangulo, mga senador at kinatawan mula sa partylist.

Sineguro ni Locsin, chairman ng komite, na mamadaliin nila ang pagsasabatas ng panukala upang maipatupad ito ilang buwan bago ang halalan sa 2010.

Sinabi ni Locsin na hangarin ng mga miyembro ng media na makaboto sa halalan subali’t dahil sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin ay madalas na nasa malayong lugar sila at hindi sila makaboto sa mga presinto kung saan ay hindi sila nakarehistro.

Ayon sa mambabatas na, hindi umano natutugunan ang kalagayan sa pagboto ng mga miyembro ng media dahil sa ipinaiiral na patakaran na ang mga nakarehistro lamang sa presinto ang papayagang bumoto.

Idinagdag pa niya na nabuksan na ang usapin matapos aprubahan ng Korte Suprema ang overseas absentee voting na ang layunin ay bigyan ng prebilihiyo ang mga nagtatrabaho sa malayong lugar na gampanan ang kanilang karapatang bumoto at batay na rin sa itinatadhana ng Saligang Batas.

Ang mga miyembro ng media ay gumaganap ng kanilang tungkulin kahit nasa gitna ng halalan upang maihatid ang mga kaganapan, balita at impormasyon upang matiyak ang malinis na eleksyon.

Iginiit pa ni Locsin na karapatan din umano ng mga miyembro ng media na bumoto at pumili ng kanilang nais na ihalal sa liderato.