Wednesday, September 16, 2009

Mababang turn-out ng mga dating absentee voting, bubusisihin ng Kamara

Nais alamin ng ilang mga mambabatas na kasapi ng House Committees on Suffrage and
Electoral Reforms, Foreign Affairs at Overseas Workers Affairs kung bakit napakababa ng bilang ng mga Filipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat ang nakaboto noong mga taong 2004 at 2007.

Sa HR01298 na inihain nina party-list Rep Jonathan A. Dela Cruz at Ilocos Norte Rep Ferdinand “Bongbong” Marcos nais nilang ipabusisi sa mga komite ang dahilan ng mababang bilang ng mga nakaboto, upang makapagbalangkas ang Kamara ng mga panukala upang matiyak na hindi mapagkakaitan ang mga manggagawa ng kanilang karapatang makaboto kahit sila ay nakadestino sa ibang bansa.

Sinabi ni Marcos na batay sa mga datos ng Commission on Filipinos Overseas at ng POEA, tinatayang may rehistradong 8,083,815 noong 2004 at 8,726,520 noong 2007, subali’t sa kabuuang bilang, 359,296 o 4.4% noong 2004, at 504,124 o 5.8% lamang ang nakaboto at kung susumahin umano ay lubhang napakababa ng bilang ng nakikilahok sa pambansang halalan at ito ay nakababahala.

Sa kasalukuyan, dagdag pa ni Marcos, ay 104,475 mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa o 1.2% lamang kumpara sa 2007 datos ang nakakapagparehistro para sa halalan at nagtakda na ng petsa para tapusin ang rehistrasyon.

Sinabi naman ni Dela Cruz na ang layunin kung bakit naisabatas ang RA09189 na kilala sa katawagang The Overseas Voting Act of 2003 ay upang bigyan ng pagkakataon ang mga manggagawa sa ibang bansa na magampanan ang kanilang karapatang bumoto na matagal ng ipinagkait sa kanila.