Wednesday, September 16, 2009

Insentibo para makapagparehistro sa COMELEC, isinusulong sa Kamara

Gagawaran ng isang araw na bakasyon na may sweldo ang mga manggagawa na boboto sa kauna-unahang pagkakataon upang mabigyan sila ng oportunidad na makapagparehistro para sa eleksiyon sa darating na taong 2010.

Isinulong ngayon ni Kabataan party-list Rep Raymond Palatino ang HR01336 na mag-uutos sa Department of Labor and Employment (DOLE) na magpalabas ng kautusan sa mga publiko at pribadong kompanya, na gawaran ng isang araw na bakason na may sweldo ang mga kawani upang mahikayat silang magparehistro bago matapos ang itinakdang petsa.

Ayon sa mambabatas, kailangang mahikayat ang mga botante na agad na magparehistro sa Commission on Elections (COMELEC) dahil sa paglilimita sa panahon ng rehistrasyon mula sa orihinal na petsang itinakda sa ika-15 ng Disyembre, sa ika-30 ng Oktubre, 2009 na lamang.

Ipinapalagay ng mambabatas na hindi makakaapekto sa ekonomiya ang panukala dahil hindi naman aniya gaanong marami ang bilang ng mga kawani na boboto sa kauna-unahang pagkakataon. Tinatayang aabot sa 5 milyon ang magpaparehistro para sa halalan sa 2010, at ito kinabibilangan ng mga mag-aaral at mga mamamayan sa mga komunidad at iba’t ibang tanggapan.

Sinabi ni Palatino na ang mga kawani na boboto sa kauna-unahang pagkakataon ay walang panahon upang magparehistro dahil sa pagtupad nila sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang paglabas mula sa kanilang mga pinagtatrabahuhan ay sarado na rin ang mga tanggapan ng COMELEC.

Batay sa mga datos, target ng COMELEC na makapagrehistro ng 3 milyong botante mula sa tinatayang 5 milyong bagong mga botante, ngunit sa huling taya ay mayroon pa lamang 841,200 ang nakakapagparehistro.

Responsibilidad umano ng DOLE na tiyaking makakaboto ang mga manggagawa sa darating na halalan at hindi maipagkait ang kanilang mga karapatang bumoto dahil lamang sa paglilimita at pinaigsing panahon para sa rehistrasyon.