Tinatayang aabot sa halagang P322 milyon ang kinita ng mga importer ng taxi meter-issuing receipt base sa 43,000 taxi units sa buong bansa.
Sinabi ni party-list Rep Vigor Mendoza na umaabot ng P15,800 ang bentahan ng taxi meter-issuing receipt imbes na P7,500 lang ang isang unit.
Ayon sa kanya, bagamat hindi pa ganap na ipinatutupad ang pagbibigay ng resibo sa mga pampublikong taxi, naging talamak na ang pag-monopolya sa importasyon at suplay ng taxi meter-issuing receipt, tumaas ng 100 porsiyento na ikinabahala ng mga taxi operator.
Dahil dito, naghain si Mendoza ng isang resolusyon, ang HR01230, para imbestigahan ng Kamara ang cartel o pag-monopolya sa importasyon ng taxi meter-issuing receipt.
Nalaman aniya na isa hanggang dalawa lamang ang kompanya na nag-iimport ng taxi meter issuing receipt na nag-monopolya sa bentahan nito sa napakalaking halaga.
Kamakailan lamang ay pinayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paggamit ng Bureau of Internal Revenue-accredited taxi meter-issuing receipt para sa lahat ng taxi sa buong bansa.