Tuesday, August 04, 2009

Karta ng Philippine Retirement Authority, aamiyendahan

Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na mag-aamiyenda ng karta ng Philippine Retirement Park System, o ang Philippine Retirement Authority (PRA) upang ito iayon sa kasalukuyang panahon.

Sinabi ni Oriental Mindoro Rep Rodolfo Valencia, may akda ng HB02782, na layunin ng kanyang panukalang na tugunan ang pakay ng pamahalaan na paunlarin at itaguyod ang Pilipinas bilang isang paraiso ng mga nagreretiro maging ng mga dayuhan o mga Pilipinong mula sa ibang bansa.

Ayon kay Valencia, layunin ng panukalang ito na amiyendahan ang EO No. 1037 Series of 1985, na naglalayong madagdagan ang lokal na trabaho ng bansa at ang pagpasok ng salapi mula sa ibang bansa sa pamamagitan ng paninirahan dito ng mga retiradong dayuhan.

Sa ganitong paraan daw sisigla ang palitan ng dolyar at ng ibang salapi sa loob ng bansa at magiging masigla rin daw ang ekonomiya at teknolohiya ng Pilipinas.

Naniniwala si Valencia na napapanahon na upang amiyendahan na ang nabanggit na batas na may 20 taon na ring pinaiiral at hindi pa naiaangkop sa kasalukuyang panahon at kapag naamiyendahan na ito ay magkakaroon ng mas malinaw, mas angkop sa kasalukuyang panahon at mas matatag na batas at alituntunin para sa bansa at sa mga dayuhang posiblenbg dito na magretiro sa Pilipinas, at kung papaanong mas magiging kapakipakinabang para sa bayan.

Ayon kay Valencia gagawing pang-engganyo sa mga dayuhang nagbabalak na magretiro dito sa bansa ang pagkakaroon ng magandang klima ng bansa, mababang bilihin o low dollar cost of living and services, ang pagiging bukas-palad ng mga Pilipino sa pakikipag-kaibigan, pagiging magalang at marespeto sa mga nakakatanda, at pagiging matatas sa pagsasalita ng wikang English.

Gagamitin na ring pang-engganyo sa mga dayuhan upang piliin nila ang Pilipinas para sa kanilang pagreretiro ang mga hospital at mga pasilidad pangmedikal ng bansa na maaaring makatulong upang lalong pagyamanin ang ekonomiya ng bansa.

Sa panukalang ito, papayagan din na magkaroon ng permanenteng residence status ang principal PRA program applicant kasama ang kanyang asawa at isang minor de edad na anak, at sila ay hindi pagbabayarin ng import duties at buwis.