Monday, August 03, 2009

Kamara de Representantes, nagpahayag ng pakikiramay sa pagyao ni Cory.

Nag-alay ng kanilang pagpapahayag ng pakikiramay at simpatiya sa pamilya ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino ang mga mambabatas sa Kamara de Representantes sa pangunguna ni House Speaker Propero Nograles.

Inihain kaninang umaga sa pag-bukas ng tanggapan ng Bills and Index Service ng House Secretariat ang dalawang resolution, nauna ang kapasyahang inakda ni Speaker Nograles,ang House Resolution No. 1299 na kasama sina Majority Floor Leader Arthur Defensor, San Juan Rep Ronaldo Zamora at CIBAC Party-list Rep Joel Villanueva at ang pangalawang resolution, ang House Resolution No. 1301 na naman iniakda ni Palawan Rep Abraham Mitra.

Alinsabay sa paghain ng mga nabanggit na resolusyon ay ang kapasyahan, House Resolution No. 1300 na nagpapahayag ng papuri, pagbunyi at pasasalamat ng Kongreso at ng buong sambayanan para sa yumaong dating Pangulong Cory dahil sa kanyang sakripisyo at walang patumangging pagsumikap upang makamtan ang minimithing demokrasya ng bansa na siya namang iniakda rin ni Nograles at ng lahat na mga mababatas bilang mga co-author.

Nakatakdang aprubahan sa plenaryo mamayang hapon ang mga nabanggit na resolusyon upang tuluyang maibigay ang mga ito sa mga miyembro ng pamilya ng namayapang dating pangulo ng bansa na tinaguriang Ina ng Demokrasya.

“Former President Corazon C. Aquino’s greatness lies in her profound love of God and country,” pahayag pa ni Nograles.