Wednesday, July 01, 2009

Umaasa pa rin si Nograles na matuloy ang automation

Nagpahayag ng kompiyansa si House Speaker Prospero Nograles na hikayatin pa rin ng mga lider politikal ang Commision on Elections o Comelec na ipatupad ng ganap ang tunay na mga intensiyon ng elections automation law at isalba ang programa sa ganap na pagkamatay nito.

Sinabi ng lider ng Mabang Kapulungan na dapat lamang umanong hanapan ng win-win situation at solusyon ang alingasngas at problema sapagkat naniniwala umano siya sa integridad ng Comelec sa pamumuno ni Chairman Jose Melo at umaasa pa rin siya sa kakayanan ni Melo na maisalba ang poll automation program.

Iginiit pa ni Nograles na ang kagandahan umano ng fully automated elections ay ang pagkakaroon ng malinis, tapat, mabilis at kapanipaniwala na proseso ng eleksiyon.

Ayon sa kanya, ang nasyunal at local na mga eleksiyon sa taong 2010 ay mahalaga para sa socio-economic at political transformation ng bansa at ang sunod-sunod na mga hamong pandaigdigan at local, kasama na rito ang iilang mga sakunang natural at mga gawang-taong krisis, ay nangangailangan ng kagyat na pagsunod sa epektibo, hayag at demokratikong pamamahala.

Dahil dito, umapila ang speaker sa lahat ng sector sa lipunan – ang mga kritiko at yaong hindi nagbibigay ng kanilang commitment – na bigyan ang lahat na mga kasali sa isyu ng automation ng tsansa upang maresolbahan ang anuman at lahat na mga suliranin na maaaring makadiskaril sa naturang programa.