Iminungkahi ni Camarines Sur Rep Dato Arroyo na pagbawalan na ang pagsasagawa ng protesta ng mga aktibista sa harap ng mismong bahay ng isang opisyal na kanilang inirereklamo dahil sa alegasyon ng iregularidad at maling gawain.
Sinabi ni Arroyo sa HB06358, bagamat pinahihintulutan ang malayang pagpapahayg ng damdamin laban sa mga opisyal ng pamahalaan, hindi naman umano ito maituturing na absolute right.
Ayon sa kanya, ang karapatang magpahayag at magsagawa ng mapayapang magtitipon upang ipahatid ang kanilang damdamin laban sa isang opisyal ng pamahalaan ay maaari pa ring ipagbawal kung may maapektuhang mas nakararami.
Idinagdag pa ni Arroyo na ang mga masasakop ng panukala ay yaong mga klase ng nagpipiket o nagrarali na wala namang malinaw na mensaheng ipinahahatid o ipinaglalabang katuwiran sa bayan o para sa bayan, bagkus, nagnanais lamang makapanggulo at hiyain ang sinumang nakatirang opisyal sa lugar na gusto nilang guluhin.
Upang maiwasan daw ang gulo o posibleng kaso, hinihikayat ang mga nagnanais na magsagawa ng protesta sa mga pampublikong lugar tulad ng parke.
Ayon kay Arroyo, ang tahanan ay siyang dapat na nagbibigay ng seguridad sa isang tao, na dapat irespeto at bigyan ng paggalang ng ibang tao. Hindi na kailangang makarating sa tahanan ng isang opisyal ang mga taong may ibang opinyon laban sa kanya dahil marami naming ibang lugar na mas naaangkop na pag-usapan kung anuman ang hinaing laban sa opisyal na inirereklamo.