Pinaaayos ng Committee on Cooperatives Development sa Kamara de Representantes ang National Electrification Administration (NEA), Cooperative Development Authority (CDA), at iba pang electric cooperatives (EC) ang gusot na namamagitan sa mga nabanggit na ahensiya upang matutukan ang mga proyektong pagpapailaw sa buong bansa.
Pamumunuan ni APEC party-list Rep Ernesto Pablo ang imbestigasyon kaugnay sa umano ay pag-abuso sa kapangyarihan at pakikialam ng NEA sa mga EC na nakarehistro sa CDA, partikular na sa problemang kinaharap ng Zambales Electric Cooperative II (Zameco II), Peninsula Electric Cooperative, Inc. (Penelco-Bataan), at Batangas II Electric Cooperative (Batelec II).
Sinabi ni Pablo na tila hindi yata binibigyang pansin ng NEA ang bisa ng makabagong RA09250
na nagtatakda sa Cooperative Code ng Pilipinas.
Ayon kay Pablo, inakusahan umano ng iilang mga miyembro ng mga EC ang NEA na nakikialam ito sa mga usaping panloob, paboritismo at pagsuporta sa ilang EC na nananatiling tapat sa kanila upang makinabang umano ang mga ito ng mga benepisyo.
May alokasyon daw ang NEA sa kaban ng bayan at marapat lamang na magbigay sila ng benepisyo sa buong EC at hindi sa pansariling kapakanan o maging sa iilang miyembro, ayon pa sa kanya.
Nakakalimutan umano ng NEA ang probisyon sa batas na nagbibigay otonomiya sa mga EC sa ilalim ng demokrasyang pangangalaga sa mga miyembro nito.
Sumangayon naman si NEA Administrator Editha Bueno sa mungkahi ng mga mambabatas subalit dapat umanong dumalo sa pagdinig ang 17 mga EC upang maayos ang lahat ng gusot.