Ipinahayag ni House Speaker Prospero Nograles kahapon na dapat dumistansiya muna sa pagmamay-ari ang pamahalaan sa operasyon ng Philippine National Railways o PNR upang maipalawig at maging epesiyente ang gamit nito.
Sinabi ng Speaker na naniniwala siyang mas makabubuti kung ang PNR ay nasa mga kamay ng pribadong sector habang kanyang sinang-ayunan ang pagiging receptive nina Vice President Noli de Castro at Senate President Juan Ponce Enrile sa ideya na ang railway system ay maaaring competitive sa pamamagitan ng pagpasok ng panibagong pamumuhunan at pinaka-epesiyenteng teknolohiya kagaya ng mga pinakamodernong railways system sa buong Asya at iba pang dako ng mundo.
Ayon kay Nograles, sa kasalukuyang global economic downturn, ang pagsasapribado ng mga serbisyong capital intensive ay katanggap-tanggap na opsiyon para makamtan ng gobyerno ang kinakailangang mga revenue na maaaring gamitin para sa mga kagyat at produktibong socio-ecnomic program.
Idinagdag pa ni Nograles na ang kasalukuyang light transit system na ginagamit na sa Metro Manila ay subok nang globally competitive kung ang pagbabatayan ay teknolohiya at ang operational efficiency nito ay nagresulta ng isang viable enterprise na tinatangkilik ng mga bumabiyaheng mamamayan sa kamaynilahan.