Iminungkahi ni Nueva Ecija Rep Eduardo Nonato Joson ang pagbuwag sa National Economic and Development Authority o NEDA dahil sa umano'y bigo nitong pagpapanatili ng integridad, kredibilidad at pananagutan bilang tagapag-isip hinggil sa pang-ekonomiyang talakayin ng gobyerno.
Sinabi ni Joson, nahaharap daw ngayon ang NEDA sa isang seryosong sitwasyon hinggil sa kanilang kredibilidad matapos na ang tanggapang ito ay masangkot sa isang maanomalyang mga kontrata.
Ayon sa kanya, may mga pambabatikos mula sa iba't-ibang sektor para sa NEDA na magkaroon ang tanggapang ito ng pagiging bukas, pagkakaroon ng integridad, kredibilidad at pananagutan. At dapat itong pakinggan ng NEDA.
Sa HB05929 ni Joson, na nananawagan itong buwagin na ang NEDA at palitan ito ng Philippine Economic Development Authority o PEDA na siyang magpapatuloy sa pagpapatupad ng mga programa at polisiya ng NEDA tungo sa ikauunlad ng bansa.
Sa ilalim ng panukala, ang PEDA ay magsisilbing isang independent economic at planning agency ng gobyerno at ito ay pamumunuan ng pangulo ng bansa mismo.
Ito ay bubuuhin ng dalawang magkahiwalay ngunit mahahalagang sangay, ang PEDA Board at ang PEDA Secretariat, na siyang magbibigay ng check and balance sa lahat ng programang isasagawa ng PEDA.
Lahat ng opisyal at kawani ng NEDA ay ililipat sa PEDA at hindi dapat na maapektuhan ang kanilang security of tenure sa trabaho, pribilehiyo at benepisyo.