Thursday, July 02, 2009

Organic fertilizer na lang ang gagamitin ng mga magsasaka

Nanawagan ngayon ang pamahalaan sa lahat ng magsasaka na tangkilikin ang paggamit ng organic fertilizer imbis na gumamit ng chemical fertilizer, na sa kasalukuyan ay mataas ang presyo dahil sa kakulangan ng suplay sa merkado.

Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Agriculture hinggil sa HR00715 kung saan kinukuwestiyon ni Negros Occidental Rep Jose Carlos Lacson ang sobrang taas ng presyo ng abono at mga pataba na ginagamit sa pagsasaka, nanawagan ang kinatawan ng Fertilizer and Pesticides Authority of the Philippine (FPA) na humanap ng paraan ang mga magsasaka kung papaano silang makakatipid sa kanilang pagsasaka at isinangguni ang paggamit ng organic fertilizer.

Sinabi ng mga kinatawan ng FPA sa komite na pinamumunuan ni Palawan Rep Abraham Mitra na ang organic fertilizer ay walang gastos at malaki ang maitutulong nito sa pagpapababa ng cost of production ng mga magsasaka.

Sinabi naman ni Abuno party-list Rep Robert Estrella na ang artipisyal na kakulangan ng pestisidyo ay resulta ng mataas na gastusin sa pagpapadala ng produktong ito sa bansa.

Ayon sa kanya, ang bansang Pilipinas ay nag-aangkat ng mga produktong ito, maliban lamang sa organic fertilizer at ang mga chemical fertilizer tulad ng urea, phosphorous, potassium at ammonia ay inaangkat natin sa ibang bansa at tayo lamang ang naghahalo o nagbe-blend ng mga kemikal na ito upang makagawa tayo ng fertilizer.