Thursday, July 16, 2009

Mga reaksiyon hinggil sa amnestiya para sa Abu Sayyaf

Magkaka-iba ang reaksiyon ng mga mambabatas hinggil sa isyu ng pagbibigay ng amnestiya sa mga miyembro ng Abu Sayyaf na kasalukuyang tinutugis ng tropa ng pamahalaan sa Southern Mindanao.

Sa panig ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez, sinabi niya na pabor siyang bigyan ng amnestiya ang bandidong grupo na ito upang mabigyan na rin ng pagkakataong magkaroon ng kapayapaan sa rehiyon at buong kamindanawan.

Ayon sa kanya, siya ay mula sa Mindanao at hangad niya na mamayani ang kapayapaan sa lugar na ito kaya kailangang mayroong kapayapaan din sa grupong Abu Sayyaf at makakamit lamang ito sa rehiyon kung ang lahat na miyembro nito ay maiengganyong bumalik sa kapatagan, makisalamuha sa bayan, isuko ang kanilang mga armas at itigil na ng tuluyan ang paggawa ng kremin.

Importante rin daw na maunawaan kung ano ang kanilang ipinaglalaban at kung ano ang ginawa sa kanila ng pmahalaan upang sila ay maunawaan at dapat tukuyin ang ugat ng problemang ito.

Ngunit mayroon namang ibang pananaw dito si Paranaque Rep Roilo Golez ng kanyang sinabi na hindi raw nahahanay sa kategoriyang samahang pulitikal ang gruppong ito kaya hindi sila nararapat na mabigyan ng amnestiya.

Hindi pabor si Golez sa mungkahi sa dahilang ang Abu Sayyaf ay itinuturing na terrorist group at ang amnestiya ay maaari lamang ibigay sa mga tao o grupo na nakagawa ng political offenses tulad ng New People's Army o NPA, mga rightist group at MILF.

Idinagdag pa ni Golez na ang Abu Sayyaf ay isang grupong pumapatay ng tao, nagsasagawa ng kidnap-for-ransom at namumugot ng ulo kaya hindi sila dapat kasama sa maaaring bigyan ng amnestiya.

Ayon pa kay Golez, maaaring magbigay ng amnestiya ang pangulo ng bansa dahil ito ay nakasaad naman sa Saligang Batas ngunit ang aksiyong ito ay kailangan pa rin ng concurrence o pagsusog ng Kongreso.