Nagpahayag ng pagkabahala si A-Teacher Rep Ulpiano Sarmiento sa naglipanang mga paaralang tinaguriang international school sa buong bansa na ayon sa kanya ay maaaring nakakalito lamang sa publiko.
Dahil dito, pinarirebisa ni Sarmiento sa Department of Education (DepEd) at sa Commission on Higher Education (CHED) ang mga panuntunan sa paggamit ng terminong “international” bilang bahagi ng mga paaralan para maseguro na ito ay ginagamit lamang ng mga educational institution na naaayon sa kurikolum.
Sinabi ni Sarmiento na atas umano ng DepEd at CHED ang kagyat na pagrebisa ng mga existing regulation ng mga ito upang maprotektahan ang mga mag-aaral at mga magulang sa eskuwelahang mandarambong sa pamamagitan ng kanilang pagpapakilalang mayroon silang internationally accepted curriculum.
Ayon sa kanya, naisagawa na ang pag-review hinggil sa paggamit ng mga terminong “university” at “montessori” nitong nakaraang mga buwan at natuklasan na sa polisiya ng mga nabanggit na ahensiya, wala umanong corporate entity na nagbabalak na magtatag ng educational institution na maaaring gumamit ng mga naturang termino hanggang ang mga ito ay nakapag-comply sa pinaka-minimum na requirement nito.
Si Sarmiento ay nagmungkahi nito bilang reaksiyong lamang sa isang artikulong nailathala sa pahayagan na nagtatanong kung iilan ba sa mga tinatawag na international school ay talagang ganap na international.