Thursday, July 09, 2009

Mabigat na parusa para sa manigarilyo sa loob ng tanggapan ng gobyerno

Wala nang kawani ng gobyerno na maaaring manigarilyo sa loob ng kanilang tanggapan sa sandaling maisabatas na ang isinusulong ng isang mambabatas na panukala na may layuning magbabawal sa lahat ng kawani na manigarilyo sa loob at labas ng kani-kanilang pinagtatrabahuhang opisina.

Sinabi ni Davao Oriental Rep Nelson Dayanghirang, may akda ng HB06503, maglalaan ng mas mabigat na parusa at pagkakakulong sa sinumang susuway sa batas na ito.

Ayon sa kanya, ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas na ito ay nahaharap sa anim na buwang pagkakakulong at pansalamnatalang pagkadiskwalipika sa kanyang trabaho, o makaaaring sabay na matanggap ang mga kaparusahang ito depende sa magiging desisyon ng korte.

Ngunit sinabi rin niya na posible namang magtalaga ng isang lugar sa bawat tanggapan kung saan maaaring manigarilyo ang isang tao, sa gayon ay hindi ito makakaapekto sa kanyang mga kasamahan na hindi naman naninigarilyo.

Ipinaliwanag pa ng mambabatas na layuinin ng batas na ito na bigyang proteksiyon ang kalusugan ng mga taong hindi naman naninigarilyo ngunit nakakalanghap ng usok nito dahil sa mga kasamahan niyang naninigarilyo kahit nasa loob ng opisina at oras ng trabaho.

Batay sa pag-aaral ng Civil Service Commission (CSC), nababawasan umano ang pagiging produktibo ng isang kawaning naninigarilyo ng halos 7% dahil sa oras na nagagamit nito sa paninigarilyo o yaong tinatawag na self-imposed cigarette breaks.

Sinabi pa ni Dayanghirang na ang HB06503 na kilalaning Public Officers and Employees Smoking Ban Act of 2009, ay naglalayong gawing mas episyente sa kani-kanilang mga agwain ang bawat kawani ng gobyerno sa pamamagitan ng paggamit ng opisyal na oras ng trabaho sa pagtatrabaho at hindi sa paninigarilyo o kung anumang ibang bagay.