Thursday, July 02, 2009

Hamong matigil na ang daynastiyang politikal sa bansa

Hinamon kahapon ni Nueva Ecija Rep Edno Joson sina Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo at dating Pangulong Joseph Estrada na pangunahan ng mga ito ang pagtugon sa kanyang panawagan sa lahat na mga politiko na nakapagtatag na ng political dynasty sa bansa, kasama ang kanyang pamilya, na huwag lumahok sa eleksiyon sa susunod na taon para ang isang tunay na pagababago sa politika ay maganap.

Tiniyak ni Joson na hindi daw siya tatakbo para sa anumang posisyon sa 2010 upang mabigyang daan ang ilang mga indibidwal na pamunuan ang bansa para ang kapanatilihan ng pagbabago ang mamayani, ngunit inamin naman niya na ang kanyang pamilya ay guilty sa political dynasty na dapat masawata na ngayon.

Sinabi ni Joson na ang thinking niya para magkaroon ng pagbabago sa bansa ay palitan sa election ang lahat ng mga kasalukuyan nanunungkulan at dapat bagong pangalan naman, at least may pag-asa ang lahat.

Tinukoy niya ang pagkaroon ng Umali dynasty sa kanilang probinsiya ngunit palpak din nang palitan umano sila at kasama rin daw sila sa nagharing-uri sa lalawigan kaya guilty din daw sila.

Sa kasalukuyan, dagdag pa ng solon, apat na Arroyo ang miyembro ng Kamara na kabilang sina Pampanga Rep Juan Miguel Mikey Arroyo, Camarines Sur Rep Diosdado Arroyo, Negros Occidental Rep Ignacio Iggy Arroyo at Kasangga Rep Ma. LourdesArroyo at may mga ulat pang tatakbo ang Pangulong Arroyo sa pagka-representante ng Pampanga.

Kung pakinggan lamang umano siya ng mga politiko, naniniwala si Joson na ang kurapsiyon sa gobyerno ay mababawasan kung hindi man tuwirang mawala na.

Idinagdag pa ni Joson na dapat maipatupad na ang tunay na economic reforms sa bansa sa pamamagitan ng pagpuksa sa kasalukuyang estruktura ng mga oligarch o mga naghaharing-uri.