Ipinahayag ni House Speaker Prospero Nograles kahapon na naging matagumpay ang tatlong taong singkad ng mga mambabatas sa ika-14 na Kongreso ng Pilipinas, nang isabatas nila sa ikatlo at huling pagbasa ang mga makabuluhang panukalang batas na tiyak na pakikinabangan ng sambayanang Filipino.
Sinabi ni Nigrales na dugo at pawis ang kanilang ipinuhunan sa bawat panukalang batas at ibinigay umano nila sa taumbayan ang dapat na para sa kanila sapagkat ito ang House of the People.
Unang-una sa pinagtibay ng Kongreso at bilang tugon na rin sa ilang kritisismo sa labas at loob ng bansa, pinagbuti ang pagtataguyod at proteksiyon sa karapatang pantao sa pamamagitan ng pag-apruba sa panukalang batas na naglalayong dagdagan ang parusa para sa labis na pagpapahirap at biktima ng salvage.
Maiibsan naman ang mabigat na pasanin ng mamamayan sapagkat may magko-kontrol na sa liquefied petroleum gas (LPG) at mga industriya nito, gayundin ang Rent Control Act of 2009.
Pagkakalooban naman ng tulong pinansyal ang mga naging biktima ng kalamidad, sakuna at domolisyon sa peligrosong lugar kabilang na ang mga biktima sa itinatayong gusali na proyekto ng gobyerno at para naman sa mga mahihirap, hindi sila magpi-piyansa kapag non-capital offense o first time offender.
Pinagtibay din ng Kongreso upang palakasin ang programa para sa mga bagong silang na sanggol at pagkalinga sa mga batang inabandona ng mga magulang at ang Expanded Breastfeeding Promotion Act.
Inaprubahan din ang panukalang batas na naglalayong maglikha ng Climate Change Commission at magtatag ng marine protected areas sa lahat ng siyudad at munisipalidad sa bansa.
Upang maitaguyod ang isang malinis at mapayapang eleksyon, pinagtibay ang supplemental budget para maglaan ng pondong P11.3 bilyon para sa automated election system (RA 9525) at ang biometric registration para sa lahat ng rehistradong botante.
Tiyak namang ikatutuwa ng mga empleyado ng gobyerno ang nakapaloob sa House Joint Resolution 36, ang Salary Standardization III at ang mabilis na pagbibigay ng retirement benefits sa loob ng 15 araw.